Almost Speechless. But Not Quite.

Hindi lamang galit ang nararamdaman ko, kundi panririndi sa mga taong hindi kaya — o ‘di kaya’y ayaw aminin — na ang hangad nila ay hindi ang pakinggan ang kabilang panig (na hilig nilang tawagin na “the other side,” na giit nila ay may punto rin at nararapat lamang aralin sapagkat mas mabibigyan ng balanse at epektibong sagot ang problema), kundi ang itago ang kanilang pinanggagalingan:

isang buhay na may paghihirap, oo, ngunit isang buhay na walang kinalaman sa sakit ng sikmura sapagkat walang makakain, sa hinanaing ng pamilya sapagkat nawalan ng trabaho ang magulang, o ang katotohanan na isang realidad ang kinabukasang hindi naglalaman ng isang pagtatapos mula sa kolehiyo.

Ikinahihiya ko ang mga taong sinasabi na ang kahirapan ay masyadong simple at hindi kaya ipaliwanag kung bakit nagpakamatay ang isang tao. Ang kahihiyang ito ay dulot ng kaalaman na “Ah, hindi mo gets sapagkat hindi mo rin ma-gets na ang kahirapan mismo ay hindi simple. Ito ay naglalaman ng mga pag-aalala na babalot sa’yo mula paggising mo (May pampamasahe ba ako ngayon? Kaya ko bang lakarin kung wala akong pera pang-jeep or bus? Ano ang maaari kong suotin ngayon na presentable, kahit kalumaan? Magkano kaya ang maiiwan kong pera sa aking magulang habang wala ako sa bahay, para kung sakaling may kailanganin sila habang ako’y wala, may magamit sila? Saan kaya ako makaka-gamit ng Internet para magawa ang pagsusuri na kailangan ko na tapusin? Yung utang ko, at yung utang ng tatay ko, mababawasan ko kaya sa makalawa? Kung magkasakit ako, kahit hindi yung nakamamatay, kahit ubo o sipon man lang, kaya ko bang bumili ng gamot? Kahit yung generic lang?) hanggang sa iyong pagtulog, sapagkat sa kinaumagahan, ay uulitin mo lang ang mga tanong na ito.”

Dahil oo, ganyan ang kahirapan. Hindi ito iisang bagay lang kundi marami. At sapakgat ang lahat ng mga alalahanin ng kahirapan ay wala sa isang vacuum (Saan tayo umaasa ng pera kundi sa trabaho, na pinatatakbo ng mga institusyon? Sino ang gumagawa ng mga batas para mapatakbo ang mga instutusyon na ito kundi ang mga taga-pamahalaan, na may sariling sistema? Sino ang nagturo sa atin ng mga konseptong ginagamit natin araw-araw kundi ang mga guro, na nagtatrabaho sa dahilang sila ay sakop ng ideolohiya ng edukasyon?) nililinlang natin ang ating sarili kung sasabihin natin na walang kinalaman ang sistema ng mga institusyon, at mas malalang panlilinlang ang sabihin na walang maitutulong sa mga naghihirap at naghirap, tulad ni Kristel, ang pagbabago ng sistema.

Higit sa lahat, nandidiri ako sa pag-iisip na tinutukoy ko dahil ipinapakita nito na hindi ang buhay na nawala ang inaalala nito, kundi ang pa-importanteng solipsismo ng burgis.

Absolutely disgusting.